Martes, Marso 10, 2015

THE MULTI-DIMENSIONAL FACE OF LOVE

<photo (c) teenwritersbloc>

Dalawang dekada, tatlong daan at pitumpu't pitong araw at labing anim na minuto, ganyan katagal na akong humihinga sa mundo pero bukod sa pagmamahal ng Poong Lumikha at ng mga magulang ko wala na akong ibang alam na uri nang pag-ibig na mas lilinaw at mas sisigurado pa doon. Katulad nang iba, inabot ko ang gulang na ito na naranasan ko na din namang magkaroon nang tinatawag nilang "crush" , yung sinasabi nilang paghanga, oo at kinilig na rin ako, umasa, nafriendzone, naseenzoned at kung ano ano pang zone meron sa mundong ibabaw. Pero sa larangan nang pag-ibig, isang malaking "hindi ko alam" ang tanging maisasagot ko. Maski nga ang tanong na kung ano ba ang mas masakit, ang magdonate ng dugo o ang mabigo sa pag-ibig, medyo hindi rin ako sigurado sa sagot na nasa isip ko dahil ito po ay magkaibang uri at malamang sa malamang magkaibang antas din nang severity ang dalawang choices na ito.  Saksi ako sa iba't ibang mukha ng taong umiibig, nagkalat sila sa paligid, yung iba nakakasabay ko sa  jeep, sa lrt, sa bus, sa tricycle, yung iba nakakasalamuha ko sa araw araw na pamumuhay, yung iba nakikita ko sa ospital, sa kalsada, sa overpass, sa underpass at kung anong uri pa ng tulay meron ang Pilipinas.
Ilang personalidad na rin ang gumawa ng mga lathala tungkol dito pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin masabi kung ano ang pinakabagay na depinisyon para sa ganung uri ng damdamin. E kung sabagay, hindi naman yun dapat ilarawan, ang mahalaga naipapakita. Sa dami ng umiibig sa mundo, mas marami pa yata sa bilang nang ikinakasal sa isang araw ang mga taong kumukunsulta sa akin hinggil sa usaping pag-ibig. NBSB naman ako pero tiwala pa rin sila sa sagot na naibibigay ko. Minsan nga nasasabi ko na lang, buti pa sa ibang katanungan may sagot ako pero para sa tanong ng puso ko? yun ang hindi ko alam.. Nars po ako, kasama ako sa mga taong gumagamot sa karamdaman ng mga tao, rumeresponde sa mga biglaang naaksidente at nangangailangan ng agarang tulong at serbisyong medikal ngunit hindi ko akalain na sa araw araw na pamumuhay ko, magiging parte ako ng mga taong  may dinaramdam din sa puso. 
Iba't iba ang mukha ng taong umiibig, katulad ito ng iba't ibang uri nang taong makikita mo sa divisoria na nakikipagsiksikan sa kung saan at nakikigulo sa magulong trapiko hindi lamang ng sasakyan kundi pati na rin nang tao.
Meron tayong tinatawag na "I get what I want" na tipo ng tao, sila yung mga taong halos perpekto na at kung sino yung gugustuhin nila, gusto na din agad sila at malamang sa malamang, eto yung mga taong makikita nating tila lumulutang sa ulap at ang problemang ikukunsulta nila ay hindi tungkol sa usaping puso kundi sa usaping career.. E di ba nga "With great career comes no lovelife and with great lovelife comes no career" pero sympre hindi lahat ganun, there will always be an exception to the rule.. haaayy! sana pala ganito kadali ang pag-ibig, kung sinong gusto ko, gusto din ako.. pero para lang ata to sa mga henyong crush ng bayan, "perfect catch" kung tawagin nila, yung mga mahahaba ang buhok na kasing haba ng LRT na umabot sa EDSA at kumulot sa underpass. 
meron din namang "Abanger", oo alam ko, alam niyo na to, sikat na sikat to kasi karamihan ng tao ganyan.. Abang Abang lang din pag may time kasi yung taong gusto mo, pag-aari ng iba, kaya umaasa ka, emphasis on "UMAASA" ,oo umaasa ka na pag nagbreak sila or pag rejected siya magkakachance ka, pero hindi 100% na magiging masaya ka sa pagiging abanger mo. Ito ang mga taong wala sa radar, in short hindi napapansin ng type nila kaya ang peg nitong mga taong to pag tinanong nang "kamusta crush mo?" siyempre ang sagot mo, "ayun may gustong iba"  tapos ang eksena niyo sa FB: “hi crush, kamusta ka na?” Him/Her: “Seen 8:54 pm” : happens all the time.. arruuuyyy din di ba? Yung tipong makikipagbargain ka na “sige na kahit 1% lang nang pagtingin ibigay mo sa akin, ako na bahala magparami.” Parang bangko lang pala ito, Ikaw ang bahala magparami sa interes niya sayo, Buong buo yung ibibigay mo pero wala siyang panukli sa pagmamahal mo.    Eto lang ang masasabi ko: "bakit pag nagbreak ba sila, pag binasted o nireject ba siya, may assurance ba magugustuhan ka na niya? ang pinakamainam na paraan dito ay hanapin, ay mali...paghandaan na lamang ang tamang tao, yung hindi mo kailangan mag-abang na umaabot na sa puntong nilagpasan ka na nang libo libong bus sa terminal at dumaan na ang ilang bagyo at baha, e patiently waiting pa din ang peg mo, darating din ang tamang tao na ituturing ka na hindi ikaw yung "back up plan"  “always the second choice and never the first” dahil mas masarap po maramdaman ang pag-ibig na hindi ipinagpilitan. 
Meron namang parang natrapik sa EDSA, ilang dekada at century nang lumipas hindi pa rin makamove on move on. eto kasi ang hirap kapag hindi balance,bihira kasi yung pareho at pantay kaya mas nasasaktan palagi yung mas nagmamahal, pero di ba ganun naman talaga ang pag-ibig? Ang pag-ibig ay parang pagsakay sa bisikleta, hindi ka matututo kundi ka masasaktan. Kaya po kapag nasaktan, dumiretso na po agad sa Emergency Room, wag po masyadong magtagal sa trapik sa EDSA na daig niyo pa ang nakaingkwentro ng aksidente, yung mga tipong spinal cord injury ang datingan.. ibig ko pong sabihin, move on na po agad, humingi nang tulong sa iba, lalo na kung ginawa niyong pundasyon at sandalan nang buong pagkatao e yung taong nanakit sayo, e yun ang mahirap dun.. imbis na makamove on at maabot ang optimum state of well being e wala tayong magagawa kundi i-announce ang "Dead on Arrival" o "Flat line"?, kadalasan dito ang mga taong biktima ng sarili nilang kalungkutan kaya nagsusuicide,  pano naman yung taong nararapat at naghihintay sayo. Tandaan: Masyadong malaki ang mundo para umikot sa isang tao, marami pang dahilan para mabuhay, sayang naman yung oxygen na pinahiram sayo at para makamove on kailangan mong maintindihan kung bakit mo yun naramdaman at higit sa lahat kailangan mo din intindihin kung bakit hindi mo na kailangan maramdaman yun. Kuha mo?!
Isa pang makikita mo sa Divisoria ng pag-ibig, e yung mga taong galit sa mundo, yung mas kilala sa tawag na "Man/Woman Hater", yung mga taong kung makapagsalita e parang lahat ng tao sa mundo e nakilala at naging karelasyon niya, yung feeling nya, lahat nang tao harmful at sinaktan siya.. bakit ?! harmless naman ako ah!, marami pang katulad namin, "be patient din kasi because patience is a virtue"  and  di ba nga “those who are worth having are worth waiting for” at darating ang tamang  tao sa tamang panahon, yung sinasabi nilang perfect timing isipin mo na lang na kaya ka nasasaktan kasi hudyat ito na papalapit at papalapit ka na sa tamang tao, at mas mabuti nang nasaktan ka para magkakaroon ka nang pagkakataon na maging karapat dapat sa tamang tao at alam mo naman, mahirap idescribe kung paano maging masaya kundi ka nasaktan, parang thesis at case study lang din yan, kailangan may baseline data.
Meron din naman yung hindi matanggap ng mapanghusgang lipunan, yung relasyon na lalake sa lalake, babae sa babae, wag na po tayong humadlang sa kung anong nararamdaman nila, e ganun naman talaga ang pag-ibig, "BIGLAAN" magugulat ka na lang nasa harap mo na tapos yung unexpected na tao pa. hindi ko po alam kung kasalanan yun pero kasi di ba umiibig lang din naman sila? Kasalanan ba ang umibig ng buo at tapat sa kabila ng kasarian?  Kadalasan pa nga sila pa yung nagiging biktima. Minsan po kasi "Acceptance is the Key" , tunay ka lamang na magiging masaya kung tanggap mo hindi lamang yung taong napili mong mahalin kundi pati yung sarili mo. 
Isa pang mukha ng pag-ibig na nakita ko, e yung mga humahakot ng chances, a.k.a. "CHANCE COLLECTOR" , mayaman sa chances kaya namimigay ng limpak limpak na chances, yung mga taong mapagbigay na kahit ilang beses saktan, ok lang daw siya. isang malaking kasinungalingan kaya ang salitang "OK LANG AKO" kelan pa naging ok yung ilang beses kang sinaktan tapos babalikan ka para saktan ulit, ganun ka talaga nagmamahal na umaabot sa infinite power ang chances na kaya mong ibigay? at ganun din naman katindi at katibay ang konsensya nang taong walang ibang ginawa kundi humingi ng chance, kung nauutang lang siguro ang chance baka milyonarya ka na pag nagbayad siya kaso pag hindi e malamang sa malamang lubog siya sa utang. Ang masama pa dun dehado ka kasi  wala namang nakukulong sa utang di ba? Tandaan, sabi nga nila "Fool me once, shame on you.. Fool me twice, shame on me", kung nagawa kang saktan ng isang tao sa unang beses, isipin mo kung kaya mo pa bang masaktan sa pangalawa, sa pangatlo at sa mga susunod pang pagkakataon at siyempre hindi na aksidente ang tawag dun pag nasaktan ka nang higit pa sa isang beses nang iisang tao, "CHOICE" na po ang tawag dun at tingin ko kailangan mo nang mauntog nang limang beses times three para matauhan at kailangan mo nang paganahin ang brain cells at neurons mo, sayang naman di ba.. kung puro ang pagpump ng puso mo ang paiiralin at paulit-ulit mong sisisihin. matagal ko nang ding iniisip, kung may second chance, ano pang silbi nang first chance? trial and error lang ba ito? sana nga ganun kadali e, pag fail sa trial and error considered invalid na agad kaso hindi e. Sabi nila ang pagmamahal daw ay pagbibigay ng chance kahit wala ka nang natitirang chance na maibibigay. Sabi ko naman, sapat na yung isang chance dahil kung tunay kang nagmamahal hindi ka gagawa nang bagay na ikakasayang ng unang chance na naibigay sayo at higit sa lahat MAHALIN MO ANG SARILI MO HIGIT KANINO.
Isa din sa taong makakasabay mo sa siksikan sa Divisoria e yung mga taong "INOSENTE"  kumbaga hindi pa nag-OJT kahit 8 hours lang, wala pang experience, mga No Girlfriend/Boyfriend Since Birth, yung mga taong wala pang karanasan sa pag-ibig pero umaasa. Mga kafederasyon ko ata ito, yung mga taong lito, mga takot, at mapangduda kasi nga hindi pa nila alam yung mga bagay na pwedeng mangyari, kailangan nila ng Guide o kahit anong uri nang mapa sa larangan na to. Ang masasabi ko lang, wag magmadali, lahat po nang bagay ay may perfect timing, mahirap naman kung katulad nang pandesal at sinaing na kanin, pag hilaw at sunog, hindi masarap kaya dapat yung sakto lang. pano malalaman ang perfect timing? Sabi ng mabuting kaibigan ko, “when you feel the need to share the life you enjoyed then it’s time”. Isang malaking tsek para dun,  tsaka wag ka mag-alala halos 6 na bilyong tao sa mundo ang humihinga at nadadagdagan pa ito araw araw, kaya meron at meron ka talagang kapares baka kasi naligaw o natraffic lang. sabi nga sa kanta di ba "huwag hanapin ang pag-ibig, ito'y darating sayo......"  hindi mo kailangan maging perpekto para magkaroon ng taong magmamahal sayo dahil ang mundo ay isang malaking coincidence lamang at maski ito ay hindi perfect kaya use your imperfections towards a perfect relationship sa future at malay mo naman, naghahanapan lang kayo dahil minsan ang pag-ibig ay para ring  hide and seek.
At ang pang-walo, yung taong nanatiling “FRIEND” lang, always the second choice o ang mas masaklap pa dun, never siyang naconsider as “THE ONE” or muntik na siyang naconsider kaso “I like you but I love him/her” ang linya ni love one sa kanya. Ay kapeng kape sa damdamin ito mas matindi pa sa ampalaya. At ang linya niya “Ako na lang kasi, kasi para sa akin, ikaw lang.”  E yun nga ate, para sayo, ONLY ONE siya kaso nga sa point of view niya, you’re just the CONFIDANT. Yung akala mo SOULMATES na talaga kayo tapos malaman laman mo, may other half na pala siya. Alam niyo LIFE is full of CHOICES, sa life niya marahil isa ka sa choices kaso nga di ba, sabi nila sa exam “Choose the Best Answer” daw. E pano kung di nag-aral yung pipili sa choices, Hindi marunong ng test taking strategies, kahit feel mo na ikaw ang RIGHT ONE, kung hindi ka nya feel, nga nga ka. And speaking of choices, kung papipiliin ka kung Friendship o Love, e ikaw na bahala mag-isip kung ano ang right choice mo, dahil katulad niya you were also given an option and of course choices. Piliin mo yung Friendship, dahil dun kayo mas magtatagal. On the other hand pwede mo rin piliin ang Love, dahil mas ok nang walang regrets at least nagpakatotoo ka once in your life. Now it’s a matter of choice, at kung anong choice man yun kailangan panindigan kasi may mga bagay na pag nabitawan na hindi na nababalikan pa at malalaman mo lang na you made the right decision kapag naging Masaya ka sa choice mo. At sabi nga nila “there’s a lot of fish in the sea” ang punto ko lang po dito, e kung hindi ikaw ang naging choice niya, ok lang yan, hindi pa end of the world, marami pang tao na magmamahal sayo, yung deserving sa pagmamahal na kaya mong ibigay at sabi nga ng prof ko “ang tunay na nagmamahal ay nagpapalaya”.
Ang pang-siyam ay ang mga MARTIR, eto yung mga candidate na pwede nang barilin sa luneta. Dahil ang mga martir ay binabaril sa luneta. Sila ang mga uri ng umiibig na kulang na lang sumuka ng dugo sa sobrang pasakit na binibigay nang minamahal nya. Eto ang mga tipo nang tao na hindi ata relasyon ang pinasukan kundi fraternity, na parang araw araw may hazing na nagaganap, yung harapan ka nang niloloko at sinasaktan, nagbubulagbulagan ka pa rin na tila hindi uubra ang limpak na limpak na Vitamin A para luminaw ang mata mo, isa din to sa mga uri nang taong dapat nang iuntog ng limang beses times three para matauhan. Ang masasabi ko lang po, “Nagmamahal po tayo para sumaya at dahil masaya tayo sa napili nating tao, kaya kapag hindi ka na masaya, BITAW na” 
Isa pang makikilala natin ay yung mga Mr./ Ms. Congeniality, eto ang mga kakosa nating sobrang friendly, na kapag may nakasalubong sila e kakilala nila, eto yung madalas mapagkamalan na “flirt”,  alam niyo naman ang lipunan, ito ay sadyang mapanghusga kaya ang pagiging friendly ay madalas nilang napagkakamalang paglandi. Medyo Ouch din yun, nagmamagandang loob ka na, may negative feedback pa din? E ganun talaga e, we can’t please everybody. Ang mahirap lang sa ganito e, minsan yung trato mo sa tao hanggang kaibigan lang tapos mamimisinterpret niya na aabot sa point na mafafall siya sayo at sa huli mapagbibintangan ka pang paasa. Madali kasi ma-fall sa ganitong uri ng tao kaya tandaan, wag mag-assume hanggat walang sinasabi, pero kasi di ba, sabi nga ng mga nakakasalamuha ko kung hindi ka mag-aassume e walang mangyayari sa lovelife mo, ang maipapayo ko lang “hindi po masama magtanong, magtanong ka na lang, simple lang: ano ba ako sa buhay mo?” o di ba, mas malinaw at mas klaro at para naman po sa mga Mr. and Ms. Congeniality natin, maglaan naman kasi ng personal distance (close phase: 1.5 to 2.5 ft, Far phase: 2.5-4 ft) at social distance (close phase: 4-7 ft, Far phase: 7-12 ft)  at  maging vocal at honest sa tunay na intensyon sa  mga tao sa paligid para naman bawas bawas din sa mga taong nafafall sa inyo, maraming bagay at pagkakataon kasi na hindi maipaliwanag na nagdudulot nang labis na pag-iisip at maling akala na mahirap nang baguhin.
Meron din tayong mga taong IN BETWEEN, eto yung mga taong dalawa daw yung mahal niya. 50-50, hindi makapili, walang tulak kabigin sa dalawa, yung mga taong “torn between two lovers” kumbaga. Para po sa mga taong In between, kung ako po sa inyo, kailangan niyong bitawan ang isa, hindi naman pwedeng dalawa silang mahal mo, mahirap kayang may kahati di ba? Mapagbibintangan ka pang two timer, gusto mo ba yun? Minsan kasi kailangan mong timbangin ang mga bagay bagay, gamitin hindi lamang ang utak, at hindi rin naman pwedeng puro yung puso o yung nararamdaman mo lang, kailangan mo dito nang isang matinding presence of mind at gamitin pareho ang utak at puso nang balance at  kung kanino ka mas sasaya yun ang piliin mo pero tandaan, “walang unang sisi sa huling mangyari” siguraduhin mo na ang desisyon mo e yung talagang makakapagpasaya sayo, hindi yung dahil napressure ka lang o naapektuhan ng extraneous variables o kung ano ano pang factors na wala naming kinalaman sa pagpipilian mo. May mga bagay na pag iniwanan mo na, hindi mo na mabababalikan pa kaya dapat “choose wisely” at be happy sa choice mo. Pwede ka ring mag-toss coin, at habang nasa ere yung coin, kung ano yung iwiniwish mo na lalabas malamang sa malamang yun na ang napili mo. Simple lang di ba? Dahil life is full of choices, araw araw mo yang ginagawa kaya for sure mastered mo na. Meron at merong kang masasaktan pero hindi naman pwedeng sayo sila pareho, mas maganda nang i-let go ang isa nang mas maaga para naman magkaroon siya nang chance na makita ang taong para talaga sa kanya.
Marami din akong nakilala na kung tawagin ay “BRIDGE”, ay oo, yung mga dakilang tulay, yung siya yung mode of transmission ay este mode of communication, medyo delikado o masasabi kong nasa binggit tong mga ganitong uri nang umiibig kasi sa sobrang sweet nang taong inilalakad nila, e ayun sila yung unang na-fafall. Yan kasi ang hirap sa mga taong di makaporma nang diretsahan e, kailangan nila ng bridge, e kaso etong mga bridge ang nahuhulog hindi na nakakarating sa paroroonan ang inilalakad, pero di ba, malay natin sila talaga ang meant to be sa isa’t isa pero para sa mga taong nawalan ng minamahal dahil sa ganitong paraan, ang masasabi ko lang “now you know!” at para sa mga dakila nating tulay, kung umpisa pa lang gusto mo na yung ilalakad mo, umpisa pa lang reject the offer na, kasi sa huli pag naging sila, ay nako saksak puso tulo ang dugo ang peg mo ate. Masakit isipin na naging sila dahil sa kagagawan mo mismo, ano ka sadista? Isa ding malaking kasinungalingan na sabihin na “kung saan ka masaya, masaya din ako” pano ka naman sasaya kung hindi ikaw yung ikakasaya niya, oo eventually magiging happy ka para sa kanilang dalawa pero wag ideny na ang initial reaction mo dito ay isang malaking “ouch!” at ang dapat mo lang gawin ay “move on na dre/girl, you’ve had enough, learn to say no at higit sa lahat mahalin ang sarili, wag nang hantaying barilin ka din sa luneta at sa susunod wag nang maging tulay at hayaan na silang mag-LRT”
Isa din sa mga uri ng mga taong umiibig ay yung mga taong MANHID, o yes! Ito yung mga taong hindi ko alam kung ilang beses ba naturukan nang anesthesia sa sobrang deadma nila sa taong nagpapapansin sa kanila, eto yung taong gustong gusto mo na batuhin para matauhan na “hello, I exist, pansinin mo me”, pag ganitong uri nang tao ang prospect mo, medyo mixed signals ang matatanggap mo dahil hindi mo alam kung pareho ba kayo nang nasa isip or pareho ba kayo nang wavelength o kung nasa radar ka ba, kinokonsider ka ba nya o rejected ka na agad? Kasi kahit obvious na obvious na yung actions mo deadma pa din siya, ang mainam na paraan dito e sympre “communication” itigil na ang non verbal cues at paganahin ang bibig, magpakatotoo at sabihin na ang tunay na nararamdaman, kung the feeling is mutual, e di happy! Pero kung rejected ka, e di ok lang, wala naman masama kung magmahal ka na lang ulit nang iba, yung hindi naturukan nang anesthesia. At para po sa mga manhid, “be observant with the nonverbal cues” , 93% of communication ay likas na non verbal, samakatwid, 7% lang po ang porsyente nang mga bagay na sinasabi nang tao, pero sympre pareho silang importante, so you have to consider both sides. Klaro?
Meron din tayong mga tinatawag na “ULTIMATE FAN” eto yung tinamaan ni kupido kaso cannot be reach yung love one niya, it’s either, sobrang sikat, artista, sobrang yaman basta mahirap abutin, parang langit siya at lupa ka, ganun ang pagitan, kaya ayun hanggang subaybay ka na lang sa kanya, parang teleserye at makukuntento ka na lang sa tingin. Yung mangitian ka lang niya e napakalaking bonus na, para ka nang jumackpot sa lotto. Ang masasabi ko lang, “lahat naman ng bagay posible” at hindi masamang umasa at maghangad pero  tandaan niyo rin na dapat maging SMART, ibig kong sabihin sa SMART ay Specific, Measurable, Attainable, Realistic and Time-bound.
AWARD WINNING SELOSA/SELOSO, medyo nakakairita ang mga ito pero hindi natin sila masisisi dahil labis lamang po silang nagmamahal, minsan nga lang kasi tinatamaan sila ng feeling of inferiority. Dapat lang nating habaan ang pasensya at ipaunawa sa kanila na sila lang naman talaga ang only one. Para po sa mga to the highest power magselos, oo cute naman talaga ang isang tao pag nagseselos at kadalasan  pa nga e nakakakilig pero tandaan: lahat ng sobra ay masama, minsan ang pagseselos ay nakakasakal na, bawas bawasan kung ayaw mong iwanan ka at  huwag po kayo masyadong mag-alala at lawakan pa ang pang-unawa at sympre patimbayin pa lalo ang pundasyon na “TRUST/TIWALA” , kung lolokohin ka man niya, kasalanan at konsensya na nya yun at ibig sabihin hindi mo talaga siya deserve.
Ang mga taong kung tawagin ko ay “ON THE SPOT” , sila naman yung simula pa lang e alam naman nila sa sarili nila na hindi niya  gusto ang isang tao pero magugulat na lang siya na gigising siya isang araw na mahal na pala niya o kaya naman pag tinitigan niya ang taong kasama niya e ang masasabi na lang niya ay “hala, nadali na tinamaan na ata ako” , pwede rin naming pag nakita niya ang kanyang the one e biglang bibilis ang tibok nang puso niya (tsug tsug ah ah! Lub dub lub dub) tapos magtataka siya kung bakit, ay malamang sa malamang nasa denial stage pa siya at finifigure out pa niya kung pano nangyari yun at kung saan banda ba siya nafall ,eto yung mga taong garantisadong hindi nainlove dahil sa panlabas na kaanyuan nang isang tao, obviously na-fall sila sa ugali, e ganun talaga minsan pag ang tao lagi mong kasama tapos special ang treatment sayo, e wala namang masama kung ma-fall ka di ba? Sabi nga nila, friendship ang isa sa pinakamatibay at pinakamagandang pundasyon nang pag-ibig at etong mga taong to ang magpapatunay na “Lahat naman ay pwedeng matutunang mahalin”  at kahit sino pwede mong maging one great love kung bibigyan mo lang siya ng chance. Ang feeling ng  mga “on the spot” type of person e para silang natanggalan nang napakakapal na piring nung narealize nila kung kanino talaga sila inlove. In short eto yung masasabi nating hindi inaasahang feelings o unexpected U-Turn.  
Meron din po tayong tinatawag na mga taong “incompatibility conscious”, eto yung pag minahal mo ay “you and me against the world” ang drama niyo. Oo kasi, big deal sa kanila yung estado nang pamumuhay mo, yung religion mo, yung itsura mo at distansya niyo sa isa’t isa. Eto ang mga bagay na dapat check na check sa kanya para maging compatible kayo. Ang masasabi ko lang, kung hindi mo kaya tanggapin ang isang tao kung ano siya, isa lang ang ibig sabihin nun, hindi mo deserve maging parte nang buhay at nang mundo niya. Ang pag-ibig ay hindi pageant na kailangan ganito siya at naayon sa standard na gusto mo, kailangan dito nang acceptance. Hindi mo naman mamahalin ang isang tao dahil lang sa kung ano siya at kung anong meron siya, dapat pati kung ano yung wala siya at yung mga pagkukulang niya, mahal mo din. Complete package ang dapat mong mahalin, at isa pa, kahit anong set mo nang standards pag nakita mo na ang taong magpapabilis nang tibok nang puso mo, alam naman nating lahat na siya ay isang malaking exemption sa mahabang listahan nang standards at qualifications mo. Sabi nga nila Mr. Right doesn’t necessarily need to be Mr. Perfect, Hindi to uri nang ulam na pwede mong piliin kung ano lang ilalagay mo sa plato mo. At di ba wala namang perfect na tao maski ang buhay ay hindi perpekto, kailangan mo lang punan nang strengths mo ang weaknesses nang napili mong mahalin para maging perfect kayo.  At kung hindi niya kayang tanggapin ang mga bagay na pinaniniwalaan mo kasama na dito ang relihiyon,  ibig sabihin nun hindi siya karapat dapat para sayo, dahil kung mahal ka niya hindi siya tututol o hindi nya babaguhin  ang mga bagay na fixated o napirme na sa buhay mo bago mo pa siya nakilala. At kung distansya naman ang paguusapan, di ba, distance is just a number? Maraming paraan, Hindi mo kailangan palaging makita ang isang tao para mapatunayan na mahal mo siya, kailangan mo lang maging totoo at constant sa nararamdaman mo, dahil ang tunay na nagmamahal ay walang nakikitang distansya ng oras, taon o layo. In short, you guys may be far in distance but not in heart. Keso.
Isa din po sa mahabang listahan nang uri ng mga taong umiibig ay yung mga “TORPE” , sila yung andaming importanteng dapat sabihin pero hindi masabi sabi, dinadaan nila sa gestures at nonverbal cues ang kanilang tunay na nararamdaman. Eto yung kahit anong pilit mong pag-interogate e todo deny pa din sa tunay na nararamdaman dahil sila ay nahihiya o kadalasan natatakot mareject. Sila po minsan ay nag rereaction formation, ibig sabihin ko po sa reaction formation, yung mga sinasabi nila sa harap nang taong gusto nila ay kabaliktaran nang tunay na nararamdaman nila, eto yung mga nakukuntento sa patingin-tingin kay crush, e andami namang pwedeng gawin. Sila din po yung mga nag-poprojection, halimbawa po nang projection ay yung pag tinanong siya kung gusto ka ba niya, ibang tao ang ituturo niya. Yan tayo eh! Yan ang hirap sa mga uri nang taong ito, ipagtutulakan ka sa iba tapos pag nagclick ang loveteam laslas pulso na, hurt-hurtan to the max at pagsisihan mo to the infinite power na bakit mo pa sila pinagmatch, e di kung sana umamin ka na lang e di nakahinga ka pa nang maluwang. Ang tanong e, kabilang kaya sila sa mga taong may “Alexithymia” –eto ay isang kondisyon na sinasabi nilang inability to express feelings, inability nga ba? O fear to express feelings lang?  Yan kasi ang mahirap, ang dami nating takot, hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Kung marereject ka man, ok lang, e di move on sa tamang tao di ba? Kung ibibigay nang Diyos lahat nang gusto mo, walang thrill ang buhay, minsan kailangan mong ifigure out ang puzzle at sympre hahanapin mo ang nawawalang parts kasama na dun ang tamang tao. Sabi nga nang kaibigan ko, bakit ka matatakot na sabihin ang totoong nararamdaman mo, e yung totoo lang naman ang sasabihin mo, masama na bang magpakatotoo ngayon? At kung lalayuan ka man niya, hindi mo na kawalan yun, hindi naman sakit na nakakahawa yung nararamdaman mo e, nagsabi ka lang nang nararamdaman mo, hindi mo siya inoobliga na mahalin ka rin niya, hindi ka nagdedemand ng reply o comment back. Tama nga naman di ba? Masyadong maikli ang buhay para ilihim ang mga bagay bagay, "The truth will set you free" nga daw di ba at minsan kailangan mo lang nang 20 seconds of insane courage at 20 seconds of embarrassing bravery. Sa huli pagsisihan mo ang chances na pinalampas mo kundi ka pa magtatapat ngayon. Sabi nga ng prof ko, “take one day at a time, take the action now regardless if it's wrong or right and forget all about the what if's, coz you’re time is now”
The PICK-UP LINERS, o antaray di ba? Parang pangalan lang nang bus company, ayy! G-Liner pala yun. Anyways, pick up liners, eto yung mga reyna at hari nang mga banat. Hindi mo alam kung sadyang pa-fall lang ba sila o torpe na dinadaan sa banat ang mga bagay na hindi maamin nang diretso, eto yung mga taong sasabihin sayo “matuto ka ngang lumugar!!!!! …… dito sa puso ko” o di kaya naman bibitaw nang ganitong linya “ganda nang pangalan mo bagay sa apelyido ko” o kaya lahat nang date sa kalendaryo may equivalent siyang banat at sympre yung pick-up line niya sa pangalan mo, hindi pwedeng walang ganun. yan... mga para-paraan. Infairness , matinding Effort ang meron ang mga ito, mahirap kaya mag-isip nang bentang pick up line no, yung kikiligin yung bibitawan mo nang pick-up line kasi kung fail ang pick- up line mo, HAH! Ha! Ha! Sabog ang lovelife mo. End of the world na para sa puso mo. Ang hirap lang dito, hindi alam nang tao kung paniniwalaan pa ba niya ang mga salitang bibitiwan mo, kasi baka isipin niya bumabanat ka lang. Kaya tandaan: Stick to one! Isa lang ang pakiligin sa pick up line. Dahil pag sila dumami, yari ka na, magmumukha ka pang paasa at hindi na bebenta sa the one mo ang mga linya mo pag narinig na nyang binitiwan mo sa iba, make every pick up line unique para sa taong minamahal.
At ang pinakahuli eto yung mga “DSLR” type of persons o yung mga taong blurred ang paningin sa iba dahil nakafocus masyado sa isa. Sobrang paghahangad sa isang tao, hindi niya namamalayan na lumagpas na ang tamang tao. Parang DSLR, nakafocus sa isa kaya nagbblur ang iba. Yun ang major na masakit doon, abanger ka sa iba kaya kahit anong pabida ang gawin ni Ms/Mr.right hindi mo makita kulang na lang tumambling sa harap mo, blurred pa din sa paningin mo, masyadong nakaauto focus sa maling tao. Ang masasabi ko lang wag masyadong bias, mas pipiliin mo ba na ikaw ang mas nagmamahal pero deadma naman sayo ang finofocus mo, give chance naman kaya sa taong ma-effort, try the other view baka kasi andun ang perfect shot. Try to consider all angles, minsan maraming nasasayang dahil sa maling focus, sige ka ikaw rin pag siya napagod, who you ka sa kanya at pag nawala ang tamang tao kailangan mong libutin ang bilog na mundo at paganahin ang theory of probability para makita siya ulit at baka pag nakita mo siya, iba na yung feelings niya, normal na tao ka na lang para sa kanya kasi may iba nang nakaappreciate sa kanya.
Sino kaya kayo diyan?
Anyways, masyado na ata akong maraming nakikita, tama na muna, nang si Mr. Right naman ay mapansin na nang medyo blurred kong mata.
Balang araw, kikiligin ka rin sa sarili mong lovelife, darating din yung taong pag nakilala mo, alam mong gugugulin mo ang mga susunod na araw para ayusin ang buhay mo para nang sa ganun may maayos siyang luluguran sa mundo mo at hindi mo na kailangan kumbinsihin pa ang sarili mo na mahalin ang bawat parte nang pagkatao niya dahil it will all come naturally. Darating ang tamang tao na magpapaniwala sayo na ang tunay na pag-ibig ay hindi mapait, at ang happy ever after ay posible pa din mangyari. Tiwala lang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento